Shiela umaming Chinese, ‘di kapatid si Alice Guo

Humarap si Shiela Guo, kapatid nang nasibak na Bamban mayor Alice Guo, sa pagdinig kahapon ng Senate Committee on Justice and Human Rights kung saan inamin niya na isa siyang Chinese at hindi umano niya kapatid si Alice.
Jesse Bustos

MANILA, Philippines — Inamin ni Shiela Guo sa pagdinig sa Senado na isa siyang Chinese at dumating siya sa Pilipinas noong 2001, nasa 17 taong gulang pa lamang siya.

Kinumpirma rin ni Guo na hindi niya “biological sister” si dating Bamban mayor Alice Guo.

Ayon kay Shiela, pinapunta siya sa Pilipinas ni Jian Zhong Guo na tinatawag niyang “daddy” upang tulu­ngan si Alice sa negosyong embroidery sa Bulacan.

Sinabi rin ni Shiela na nakuha niya ang kanyang Philippine passport mula sa kayang daddy.

Bagaman at si Amelia Leal ang nakalagay sa birth certificate ni Shiela, inamin nito na ang totoo niyang ina ay nasa China.

Kinumpirma naman ng National Bureau of Investigation na ang fingerprints ni Shiela at ng Chinese national na si Zhang Mier ay iisa.

Sa pagdinig, itinanggi ni Shiela na alam niya ang operasyon ng POGO. Ang negosyo lamang na embroidery ang alam niya at hindi rin niya alam ang iba pang negosyo bagaman at pumipirma siya sa ilang dokumento.

Hindi rin umano niya alam kung nasaan si Alice dahil nagkahiwalay na sila sa Indonesia noong Agosto 19 o 20. Wala umanong sinabi sa kanya si Alice at hindi rin sinabi kung saan pupunta.

Show comments