MANILA, Philippines — Hinabol, binangga at binomba ng water cannon ng mga Chinese Coast Guard (CCG) vessels ang BRP Datu Sanday ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) kahapon ng umaga.
Bandang alas-10:30 ng umaga kahapon nang simulang harangin ng mga Chinese ang Philippine vessel na nasa 10 nautical miles malapit sa Sabina shoal.
Patuloy lamang sa kanilang misyon ang BRP Datu Sanday hanggang bandang alas-2 ng hapon, nang gitgitin at pagbabanggain ng CCG ng higit limang beses ang naturang barko.
Dito ay pinalibutan ng CCG 3104, 4102, 21555, 21551, at ilang militia vessels ang BRP Datu Sanday at sabay-sabay na inatake ng water cannon na tinatarget ang navigational equipment ng naturang Philippine vessel ng BFAR.
Matatandaan na ang CCG 21551 ang bumangga sa BRP Bagacay na naging dahilan ng malaking butas sa barko noong Lunes ng madaling araw.