MANILA, Philippines — Sinuspinde ng Palasyo si Abra Vice-Governor Maria Jocelyn Valera-Bernos dahil sa pagla-lockdown sa isang ospital sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic.
Kinumpirma ni Executive Secretary Lucas Bersamin, na sinuspinde si Bernos ng 18 buwan kaugnay sa kasong administratibo na inihain laban sa kanya noong siya pa ang gobernador ng lalawigan.
Ang suspension order ay isinilbi ng Department of Interior and Local Government (DILG) base na rin sa kautusan ng Office of the President sa pamamagitan ng Deputy Executive Secretary for Legal Affairs.
Nag-ugat ang kaso ni Bernos noong siya pa ang gobernador ng Abra kung saan sinampahan siya ng kasong oppression, abuse of authority, conduct unbecomming of a public official at disobedience to national government policies.
Lumalabas na nagpatupad ng lockdown si Bernos sa isang ospital noong 2020 sa kasagsagan ng pandemic matapos na magpositibo ang isang nurse sa virus.
Iginiit naman ng medical director ng ospital na ang lockdown ay walang basehan dahil hindi ito inayunan ng CAR-Regional Inter-Agency Task Force.