MANILA, Philippines — “The history of the Philippines cannot be told without acknowledging the sacrifices and contributions of our Muslim brethren.”
Ito ang binigyang-diin ni Senate Majority Leader Francis ‘Tol’ Tolentino kasabay ng pagpapahayag ng kanyang buong suporta para sa pagpasa ng Senate Bill No. 1616 na layong ideklara ang ika-7 ng Nobyembre bawat taon bilang special working holiday na tatawaging ‘Sheikh Karim’ul Makhdum Day’.
Si Tolentino ang co-author ng panukalang orihinal na inihain ni dating Senador Sonny Angara at isinulong ni Senator Robinhood Padilla sa plenaryo noong Martes.
Matagal nang ginugunita ng mga Muslim na Pilipino ang pagdating ng Islam sa bansa, mahigit anim na siglo na ang nakalilipas o noong Nobyembre 7, 1380, nang ang Arabong misyonerong si Sheikh Karim’ul Makhdum ay dumaong sa Sinumul Island sa Tawi-Tawi, at sinimulan ang pagtatayo ng pinakaunang mosque sa bansa.
Sinabi ni Tolentino na ang kuwento ng ating bansa sa maraming paraan ay isang kuwento ng pagkakaisa sa pagkakaiba-iba, kung saan nagsasama-sama ang iba’t ibang kultura, paniniwala, at tradisyon upang bumuo ng isang mas malakas at mas masiglang bansa.