Tattoo sa mga pulis bawal na – PNP

Ayon kay PNP PIO Chief Police Col. Jean Fajardo, inalis ang moratorium sa naturang kautusan matapos ang masusing review kaya tuloy na muli ang pagpapatupad nito.
Philstar.com / File

MANILA, Philippines — Mahigpit nang ipagbabawal ng Philippine National Police (PNP) ang paglalagay ng visible tattoos sa lahat ng mga pulis.

Ayon kay PNP PIO Chief Police Col. Jean Fajardo, inalis ang moratorium sa naturang kautusan matapos ang masusing review kaya tuloy na muli ang pagpapatupad nito.

Paalala ni Fajardo sa mga aplikante at papasok sa PNP service sa pamamagitan ng recruitment, lateral entry o PNPA, bawal na bawal na ang may tattoo.

Para sa mga active police, binibigyan sila ng tatlong buwan para burahin ang kanilang mga visible tattoos at sinumang hindi susunod ay mahaharap sa kasong administratibo.

Sa ngayon, inaayos na nila ang proseso sa pagbubura ng mga tattoo.

Sa ilalim ng Memorandum Circular 2024-023 na inaprubahan nitong March 2024, pinatatanggal ang lahat ng visible tattoos ng mga pulis.

Required din na gumawa ng affidavit ang isang pulis na may tattoo na hindi visible at hindi na ito pinahihintulutan pang magdagdag ng tattoo sa anumang parte ng kanyang katawan visible man o naitatago sa police uniform.

Kabilang sa mga tattoo na kailangang ipabura ay ang extremist, ethnically o religiously discriminatory at offensive tattoos, indecent, racist at sexist tattoos. Hindi sakop ng bagong patakaran ang aesthetic tattoos tulad ng eyebrows, eyeliner at lip tattoo.

Show comments