MANILA, Philippines — Plano ng Philippine National Police (PNP) na gamitin na ring intelligence operatives ang mga security guard upang matiyak ang kaligtasan ng publiko.
Ayon kay PNP Civil Security Group (CSG) Director Maj. Gen. Edgar Alan Okubo, malaking tulong ang maging katuwang ng PNP ang security guard sa intelligence gathering at magsilbi rin bilang mga force multipliers.
Iginiit ng heneral na ginagampanan ng mga ito ang mahalagang papel na pagsiguro sa kaligtasan
at seguridad ng mga paliparan, commercial establishment, at iba pang pangunahing mga pasilidad.
Sakaling maaprubahan, hindi na lamang magiging limitado ang pagbabantay ng mga guwardiya sa establisimyento kundi
maging sa mga nakikita nilang sitwasyon.
Bahagi aniya ang mga ito ng komprehensibong security framework ng pamahalaan, kasabay ng kanilang pagtiyak sa seguridad ng mga binabantayang pasilidad.
Kasabay nito ay plano ng PNP na magsagawa ng Basic Information Collection and Analysis Seminar (BICAS) para sa mga pribadong security agencies kung saan nakatakdang dumalo rito ang 575,000 security guard sa iba’t ibang bahagi ng bansa.