OVP gumasta ng P20 milyon sa biyahe sa loob ng 3 buwan

MANILA, Philippines — Pinagpapaliwanag ni Bayan Muna Chairman Neri Colmenares ang tanggapan ni Vice President Sara Duterte kaugnay ng P20 milyong travel expenses ng tanggapan nito sa loob lamang ng tatlong buwan.

Ayon kay Colmenares, mayroong P59.5 milyong pondo ang OVP para sa biyahe pero naubos na agad ang P20 milyon dito sa loob lamang ng tatlong buwan.

“The OVP answer during her budget deliberations, how she spent P 20 Million travelling expenses in just over three months when she has a budget of Php 59.5 Million for travel as OVP, not to mention the billions in travel budget by the DepEd (Department of Education),” ani Colmenares.

Kinukuwestyon din ni Colmenares ang paggamit ng confidential fund ng tanggapan ni Duterte.

Batay sa nakalap umanong impormasyon ng Bayan Muna, ginastos ni VP Duterte ang P125 milyon sa kanyang confidential fund mula Pebrero 6 hanggang Marso 29, 2023 o sa loob lamang ng 50 araw.

Samantala, mula Abril 25 hanggang Hunyo 30, 2023 o sa loob ng mahigit na dalawang buwan ay gumastos umano ito muli ng P125 milyon.

Bukod dito, sinabi ni Colmenares na hindi pa naipapaliwanag ni Duterte ang P125 milyong confidential fund na ginastos ni VP Duterte sa loob ng 11 araw noong 2022.

“Untransparent itong CIF (Confidential and Intelligence Fund), dapat tight guarding ito. Kaya hindi pwedeng pabayaan na lang ang pag waldas ng pondo ng bayan sa mga kunyaring pinagkagastusan na wala naman support ng resibo o proof of payment. Dapat ang mga pondong ito, dalhin sa mga nangangailangan tulad ng ayuda sa mga nasalanta ng bagyong Carina at oil spill, hindi sa reward o travel ng kung sinu-sino,” saad ni Colmenares.

Show comments