‘Magdasal na lang po kayo’, payo kay Robin
‘Wala ka sa mood, paano ako?’
MANILA, Philippines — Upang hindi makasuhan ng rape, pinayuhan ni Atty. Lorna Kapunan ang mga lalaki kabilang si Sen. Robinhood Padilla na magdasal na lang sa halip na pilitin ang kanilang kabiyak na makipagtalik.
Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate Committee on public information and mass media tungkol sa mga polisiya ng television networks at artist management agencies sa mga reklamo ng pang-aabuso at harassment, tinanong ni Padilla si Kapunan kung ano ang puwedeng gawin kung “in heat” ang lalaki pero tumatanggi ang kanyang asawang babae.
Aminado si Padilla na kasama siya sa mga naniniwala na mayroon silang “sexual rights” sa kanilang asawa.
“Halimbawa po attorney siyempre hindi mo maalis sa mag-asawa na ang paniwala lalo kami, ako, meron kang sexual rights sa asawa mo. So halimbawa hindi mo naman pinipili eh kung kailan ka yung in heat ano so papaano ‘yun ‘pag ayaw ng asawa mo so wala pong ibang paraan talaga kung para maano ‘yung lalaki?” tanong ni Padilla.
Sinabi ni Kapunan na marahil ang isyu sa tanong ni Padilla ay hindi na legal kundi psychosocial.
Minsan anya ay hindi “arbitrary” ang pagtanggi ng babae dahil minsan tumatanggi ito kung lasing o nasa ilalim ng impluwensiya ng ilegal na droga ang asawa at hindi magiging “out of love” ang pakikipag-sex kundi magiging bayolente.
Pero iginiit pa rin ni Padilla na kung wala namang “violence” at “out of urge” dahil iba aniya ang mga lalaki na may matinding pangangailangan pero ayaw namang makasuhan ng rape.
Sinabi ni Kapunan na kailangan ng sumailalim sa counseling ang nasabing tao na kinuwestiyon din ni Padilla ng:”counseling?”
Sa huli ay sinabihan na lang si Padilla ni Kapunan na “magdasal na lang po kayo.”
- Latest