MANILA, Philippines — Direktang tinukoy ni Sagip Partylist Rep. Rodante Marcoleta si Comelec Chairman George Erwin Garcia na umano’y may-ari ng mga offshore bank accounts sa Cayman Islands na inuugnay sa umano’y panunuhol ng Miru Systems Co. Ltd. para makuha ang P18 bilyong deal sa 2025 midterm elections.
Kasabay nito, nanawagan si Marcoleta na mag-resign si Garcia na aniya’y mahaharap sa kasong impeachment, plunder at korapsyon.
Sa press briefing kahapon, ipinakita ni Marcoleta ang mga transaksyon sa mga accounts na nagtatapos sa numerong 0750 at 8562. Nagdeposito umano ng tig $100 ang kanilang mga volunteers sa New York at dito na nakita mismo sa resibo ang pangalan ng Comelec Chief.
Kasunod nito, naghain si Marcoleta ng House Resolution (HR) 1827 para isalang sa imbestigasyon si Garcia.
“The Anti-Money Laundering Council (AMLC) and the National Bureau of Investigation (NBI) can now come to me -- I will show the pieces of evidence to them; that this isn’t merely a baseless and defamatory demolition job, as the Comelec Chairman alleges,” saad ni Marcoleta.
Ang P18 bilyong kontrata ay ini-award ng Comelec sa Miru Systems Co. para mangolekta at magbilang ng boto sa nasabing halalan matapos idiskuwalipika sa proseso ng bidding ang Smartmatic.
Nauna nang itinanggi ni Garcia ang paratang at nagsumite rin ito ng waiver para masiyasat ng AMLAC ang kaniyang bank accounts.