Manhunt vs Alice Guo ikinasa ng NBI

Bamban Mayor Alice Guo attends a Senate hearing on alleged human trafficking and POGO operations on May 22.
Jesse Bustos

MANILA, Philippines — Kasabay ng paglulunsad ng manhunt operation, pinayuhan ng National Bureau of Investigation (NBI) si suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo na sumuko na lamang.

Ayon kay NBI Director Jimmy Santiago, puspusan na ang ginagawang paghahanap ng kanyang mga tauhan kay Guo matapos itong mabigong dumalo sa mga pagdinig sa Senado.

“We have an ongoing manhunt operation, our men are doing their best,” ani Santiago.

Kasabay nito, sinabi ni Santiago na mas makabubuting sumuko na lamang si Guo upang maiwasan ang mas komplikado pang isyu.

“Sana, ito ngayon, sa pakiusap ko sana naririnig ni Mayor Alice. Hindi siya madedehado kapag sa akin siya sumuko,” dagdag pa ni Santiago.

Maaari rin makipag-usap at sumuko si Guo sa Senado upang mas maging maayos ang lahat.

“Kung nakikinig si Ma­yor Alice, no, wala namang problema na hindi na-solve. Puwede siya makipag­usap, sumuko siya sa Senate, um-attend siya ng hearing. Lahat ‘yan maayos”, ani Santiago.

Samantala, tiniyak din ng Philippine National Police (PNP) na tuluy-tuloy ang kanilang paghahanap sa suspendidong alkalde.

Tugon ito ni PNP Public Information Office chief at spokesperson Col. Jean Fajardo sa tila banta ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada na posibleng maapektuhan ang kanilang budget at ng NBI kung mabibigong madakip si Guo sa loob ng isang buwan.

Show comments