MANILA, Philippines — Nanawagan si Manila 3rd District Cong. Joel Chua kay Vice President Sara Duterte na itigil nito ang pagbibintang ng political harassment sa Philippine National Police (PNP) at hayaan na lamang ang kapulisan na gawin ang kanilang trabaho.
Inihayag ito ni Chua matapos maglabas ng open letter si Duterte para kay PNP chief Police General Rommel Francisco Marbil kahapon at akusahan ito ng political harassment, kasunod nang pagtatanggal nito ng 75 PSPG personnel, na nakatalaga bilang security detail niya, para ilipat sa ibang unit.
Ayon kay Chua, malinaw naman ang pahayag ng PNP na inalisan siya (Duterte) ng maraming security personnel para ituon ang trabaho sa mas importante at mas karapat-dapat na pagtuunan ng pansin ng mga otoridad.
Dagdag pa niya, “Sa aking opinyon dapat itong igalang at respetuhin ng pangalawang pangulo at pagkatiwalaan ang desisyon ng PNP dahil sila ang mas nakakaalam nito.”
Base sa talaan ng Vice-President Protection and Security Group (VPSPG), katumbas ng Presidential Security Group (PSG), may matitira pa ring 355 na security personnel si VP Duterte kahit na inalis na ang 75 police escorts nito.
Ipinaliwanag naman ng PNP na 31 PNP personnel pa ang matitira kay VP Duterte at mga sundalo mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP) para magbantay sa kanyang seguridad.
“Vice Pres. Sara Duterte has more than enough security personnel compared to her predecessors, ensuring a robust and comprehensive security framework. The adjustments in security personnel reflect our commitment to adopting security needs while also adhering to directives that enhance overall police efficiency,” ani Chua.
Pumanig naman si Chua sa PNP at sinabing ginagawa ng PNP ang lahat para masigurong ligtas ang mas nakararami kesa sa iilan.
Matatandaan na si dating VP Leni Robredo ay may 75 lamang na security personnel bagamat hindi ito kaalyado ng dating Pangulong Duterte.