Revilla pinarerebisa 40-year PWD accessibility law
MANILA, Philippines — Pinarerebisa ni Sen. Bong Revilla Jr. ang pagpapatupad ng Batas Pambansa 344, na mas kilala sa tawag na ‘Accesibility Law’ na nagmamandato sa mga gusali, institusyon, establisyemento at mga public utilities na maglagay ng mga pasilidad upang mapagaan ang pagkilos ng mga taong may kapansanan o Persons with Disabilities (PWDs).
Sa Senate Resolution No. 1077 na isinumite ni Revilla noong Hulyo 23 kasabay ng Apolinario Mabini Day, hiniling nito sa komite sa Senado na suriin kung gaano kaepektibo ang pagpapatupad ng 40 anyos na batas, upang matingnan at mapag-aralan kung akma pa ba ito para tumugon sa espesyal na pangangailangan ng mga PWDs.
Ayon kay Revilla, isang malaking hamon pa rin ang pagpapatupad ng batas para sa accessibility ng mga PWDs. May mga gusali at imprastraktura pa rin na hindi sumusunod sa pinaiiral na standards para mapagaan ang sitwasyon ng PWD na napakahalaga para sa pang-araw-araw nilang pamumuhay at makamit nila ang kanilang mga adhikain.
“Gusto natin i-audit ang mga pasilidad kung compliant ba sila sa batas na ito. Remember, this is a law. It is required for them to provide facilities that are accessible for the use of PWDs,” saad pa ni Revilla.
Ang BP 344 ay ipinatupad noon pang Pebrero 25,1983 sa ilalim ni Pangulong Ferdinand E. Marcos. Pagkalinga ito sa kapakanan ng PWD upang buong-buo silang makasabay sa iba’t-ibang aspeto ng daloy ng buhay at sa paghubog sa lipunan kung saan sila kabilang upang makapamuhay ng maayos at makakuha ng patas na oportunidad katulad ng ibang walang kapansanan.
- Latest