MANILA, Philippines — Nakikipag-ugnayan na ang PNP Anti-Cybercrime Group (ACG) sa Department of Information and Communication Technology (DICT) para ipa-“take down” ang kumalat na video ng isang lalaking nagpapanggap na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nakita sa aktong gumagamit umano ng droga.
Kasabay nito nanawagan din si PNP Public Information Office Chief Police Col. Jean Fajardo sa publiko na huwag i-share ang naturang video dahil lumabas sa imbestigasyon na ito ay peke.
Sa isinagawang forensic investigation, kapwa inihayag ng PNP at National Bureau of Investigation (NBI) na ang lalaking nakita sa video sa sumisinghot ng pinaniniwalaang cocaine, ay hindi si Pangulong Marcos.
Sa pamamagitan ng Deepware artificial intelligence (AI) detection tool gamit ang multiple algorithms, sinabi ni PNP-ACG director Brig. Gen. Ronnie Cariaga, napatunayang peke ang video na ginawa sa pamamagitan ng AI.
Aniya, malaki ang pagkakaiba ng “facial features” ng Pangulo, sa hindi kilalang lalaki sa video, partikular ang sukat ng tenga, at hugis ng mata, ilong, at “sideburns”.