MANILA, Philippines — Sa gitna ng pananalasa ng Bagyong Carina na nagpalakas sa habagat, naglunsad ang tanggapan ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez at ng Tingog Partylist ng relief operations upang tulungan ang libu-libong naapektuhan ng masamang panahon sa Metro Manila at mga karatig lugar.
Pinangunahan nina Speaker Romualdez at Reps. Yedda K. Romualdez at Jude Acidre ng Tingog Partylist ang mga relief operation kung saan nasa 20,000 food packs ang target na unang maipamigay. Kinuha ang pondo sa Disaster Relief Funds ni Speaker Romualdez.
“The government, under the leadership of President Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., has shown its commitment and dedication to responding to the needs of the people during this calamity,” ani Romualdez.
Sinabi ng Speaker na pumunta si Pangulong Marcos sa tanggapan ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) upang bantayan ang kalagayan ng iba’t ibang lugar na naapektuhan ng bagyo at tiyakin ang magkaka-ugnay na hakbang ng gobyerno sa pagsaklolo sa mga nangangailangan.
“The President’s hands-on approach highlights the administration’s commitment to disaster response and resilience, ensuring that no Filipino is left behind in times of crisis,” sabi ni Speaker.
Ayon kay House Deputy Secretary General Sofonias “Ponyong” P. Gabonada naghanda sila ng kabuuang 20,000 relief food packs na may lamang 3 kilong bigas, mga de lata, kape at iba pa.
Sinabi naman ni Acidre na pumunta ang tanggapan ng Office of the Speaker at Tingog Partylist sa Malanday Elementary School sa Marikina upang maghatid ng 1,600 hot meals at inuming tubig.
Ayon naman kay Rep. Yedda Romualdez ang relief operation ay ginawa upang tulungan ang gobyerno.
Binigyan-diin ni Acidre ang kahalagahan na sama-samang pagtutulungan upang mabawasan ang epekto ng kalamidad.