MANILA, Philippines — Kasunod ng utos ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. sa kanyang State of the Nation Address (SONA) na ipagbawal na ang Philippine Offshore Gaming Operators, nanawagan si Majority Leader Francis ‘Tol’ Tolentino sa mga industriya at employer na tulungang magkatrabaho muli ang mga lehitimong manggagawang Filipino na nawalan ng trabaho sa POGO.
“I hope industries and employers would keep an open mind and make the effort to give legitimate displaced Filipino POGO workers a fair chance to find employment,” sabi ni Tolentino sa kanyang panayam kay Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Bienvenido Laguesma sa morning radio program ng senador na ‘Usapang ‘Tol.’
Ayon sa PAGCOR, nasa 40,000 manggagawang Pilipino ang apektado ng POGO ban.
Sang-ayon kay Sen. Tol si Laguesma sa pagsasabing: “Maganda po yung punto na nabanggit n’yo Senator Tol. Patututukan ko rin po ‘yan kasi dapat po walang diskriminasyon. Kung ang ating kababayan po ay nag-qualify at may sapat na kakayahan, dapat pong mapakinabangan ang kanilang experience, instead na maging negative ang maging pagtanaw sa kanila.”
Sumang-ayon din sina Tolentino at Laguesma na ang upskilling at mga programa sa pagsasanay ay makatutulong sa lehitimong displaced Filipino POGO workers na makahanap ng mas magandang pagkakataon – maging sa domestic market o sa ibang bansa.