Paper trail ng ‘suhol’ kay Garcia pinadala ni Erice

MANILA, Philippines — Makaraang itanggi ni Commission on Elections (Comelec) Chairman George Garcia ang umano’y ‘suhol’ sa kanya ng konektado sa Miru System, dinala ng kampo ni dating Caloocan 2nd District Representative Edgar Erice sa mismong  Chairman’s Office ang mga hawak nitong dokumento kabilang ang foreign bank accounts.

Ipinakita ni Erice sa mga mamamahayag ang ‘received copy’ ng mga dokumento kabilang ang 14 Bahamas bank accounts na ‘suhol’ umano mula sa Miru System automated election contract.

Ayon kay Erice, ang mga dokumento ng 14 offshore bank accounts na pinadala sa pamamagitian ng FedEx ay naglalaman ng paper trail ukol sa isang dollar bank account umano ni  Garcia. Tinatawag niya itong Bahamas files.

Aniya, ang dollar account ay umaabot umano sa $15 milyon bukod pa sa tatlong ari-arian sa Makati, HongKong, Singapore at San Francisco, California.

Binigyan-diin ni Erice na hindi tamang tumanggap ang isang opisyal ng pamahalaan ng pera mula sa mga naka-transaksyon ng kanyang ahensiya.

Sinabi ni Erice na detalyado ang nakasaad sa dokumento kabilang ang impormasyon kung sino at kailan isinagawa ang pagdeposit ng  pera.

Mayroon ding depositor mula sa Korea at nagdeposit sa bank account ng nasabing opisyal at misis nito.

Dagdag pa ni Erice, sanda­makmak ang ‘red flags’ sa sistema ng Miru System Co., ng Korean company na gagamitin para sa automated voting system sa 2054 local at national elections.

Padadalhan din niya ng kopya ng mga dokumento ang Senado at Kongreso upang magsagawa ng pagdinig.

Show comments