Total ban ng ‘Mukbang’ di irerekomenda ng DOH

MANILA, Philippines — Nilinaw ng Department of Health (DOH) na hindi tuluyang ban ang isinusulong nila kundi ang regulasyon lamang.

Sinabi ni DOH spokes­man Albert Domingo, Tagapagsalita ng DOH, bukas ang kagawaran na makipag-ugnayan sa mga gumagawa ng content tungkol sa pagkain o ang tinawag na “Mukbangers”.

Sinabi niya na si Health Secretary Teodoro Herbosa ang nagsabi na nais niyang idaan sa konsultasyon sa mga guma­gawa ng “Mukbang” para magabayan.

Binigyang-diin pa rin ni Domingo na delikado ang over-eating o labis na pagkain maging healthy foods pa, o kahit konti lang subalit may masamang epekto sa kalusugan.

Paliwanag niya, kahit konti pa ang kakainin su­balit fatty foods, maaalat o matatamis naman ay hindi pa rin rekomendado sa kalusugan.

Una nang nagpaalala si Herbosa na peligroso ang pagkain ng sobra-sobra gaya ng nakikita sa “mukbang vlogs” na magiging sanhi ng obesity at maaring mauwi sa hypertension, heart conditions, at iba pang non-communicable disease at atake sa puso.

Isa ang kaso ng 37-anyos na taga-Iligan, na nasawi sa stroke pagka­tapos kumain ng maraming pritong manok sa kaniyang nilikhang content.

Show comments