MANILA, Philippines — Pinasinayaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagbubukas ng Mariveles-Hermosa-San Jose 500 kilovolts (kV) Transmission Line sa Bataan.
Sinabi ng Pangulo na milestone project ito ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) dahil makikinabang dito ang nasa 59 milyong kabahayan sa sandaling magsimula ang operasyon ng transmission line.
Kasama sa P20.94 bilyong Energy Project ng National Significance (EPNS) ang 395 transmission towers, 275.6 circuit kilometers of overhead lines, dalawang bagong substations at total substation capacity ng 2,000 megavolt-amperes (MVA).
Ayon naman kay NGCP President Anthony Almeda, may kakayahang makapag-transmit ng 8,000 megawatt power mula sa planta ng kuryente sa Bataan at Zambales.
Sakop ng mabibigyang serbisyo ng binuksang Mariveles-Hermosa-San Jose Transmission Line ang power consumers sa Luzon.
Tiniyak naman ni Almeda na marami pang gagawing malalaking ticket projects ang NGCP na makakatulong sa pamahalaan at pag-akyat ng ekonomiya ng bansa.
Nagpasalamat din si Almeda kay Pangulong Marcos sa ipinakitang commitment para mapaunlad pa ang imprastraktura sa bansa.
Bukod sa kabubukas ngayong Mariveles-Hermosa-San Jose 500kV line ay nauna na ring binuksan ang big-ticket projects ng NGCP gaya ng Mindanao-Visayas Interconnection, Cebu-Negros-Panay 230kV Interconnection at iba pa.