Pagpapasara ng POGO ‘di pa napag-uusapan - NEDA

Senator Win Gatchalian conducts an ocular inspection at a raided POGO hub in Porac, Pampanga on June 24, 2024.

MANILA, Philippines — Hindi pa napapag-usapan ng Gabinete ang pagpapasara ng Philippine Offshore Gaming Operation (POGO) sa bansa.

Sinabi ni National Economic Development Authority (NEDA) Secretary Arsenio Balisacan na sa ngayon ay naka-focus lamang sila sa pag-generate ng maraming kalidad na trabaho sa bansa.

“I think that there are a lot of opportunities for the country, for the economy, for our workers, we can focus on those,” ayon pa sa kalihim.

Nauna na rin sinabi ni Finance Secretary Ralph Recto na irerekomenda niya kay Pangulong Ferdinang Marcos Jr. na ipasara ang POGO dahil na rin sa mga isyung bumabalot dito.

May tinitingnan nang posibleng alternatibong pagmumulan ng kita ang gobyerno sakaling isara ang mga POGO sa bansa.

Kabilang aniya dito ang pagpapalawak ng mga negosyo na siyang magge-generate ng kita mula sa income taxes, corporate taxes.

Gayundin kapag nag-import ng ilang equipment ay magdudulot ito ng tariff reve­nues at kapag pinagsama-sama lahat ito ay magdadala ito ng maraming kita na nawala ng POGO.

Hindi naman matukoy ni Balisacan kung magkano ang mawawalang kita ng gobyerno sakaling i-ban ang POGO sa bansa, subalit sa naunang pagtaya ng NEDA ay aabot ito sa P20 bilyon.

Nauna nang sinabi ng DOLE na may 22,000 workers ang mawawalan ng trabaho sakaling i-ban ang POGO sa bansa.

Show comments