MANILA, Philippines — Masayang inanunsyo ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah “Mina” F. Pangandaman na aprubado at pirmado na ng kanyang opisina ang pagpapalabas ng higit-kumulang na P1 bilyong pondo para sa pagpapatayo, pagpapalawak, at pag-upgrade ng mga proyektong water, sanitation, at hygiene (WaSH) facilities sa mga kwalipikadong local government units o LGUs sa buong bansa.
Ayon kay Pangandaman, nilagdaan niya na ang P1 bilyong halaga na Special Allotment Release Order at Notices of Cash Allocation na kukunin mula sa Local Government Support Fund – Support and Assistance Fund to Participatory Budgeting (LGSF-SAFPB) sa ilalim ng Fiscal Year 2024 General Appropriations Act o Republic Act No. 11975.
Sakop ng naturang “WaSH” program ang 75 benepisyaryo ng municipal local government units (MLGU) sa buong bansa na kabilang sa 4th hanggang 6th income municipal classes.
Sambit ni Pangandaman na kapag naimplementa, bibilis at papadaliin ang access sa ligtas at resilient water supply at sanitation services sa mga nahuhuling munisipalidad sa bansa.
Binigyang-diin ni Pangandaman na ang agarang pagrelis ng pondo na ito ay alinsunod sa utos ng Pangulong Bongbong Marcos na masiguro ang availability at accessibility sa malinis na tubig para sa lahat ng Pilipino.
Punto pa ni Pangandaman, ang WaSH program ay malaking tulak sa pagpapalawak at pag-upgrade ng imprastraktura ng water resource sa mga nahuhuling munisipalidad.