MANILA, Philippines — Naniniwala ang Philippine Ports Authority (PPA) na dapat na mabigyang-pansin ng pamahalaan ang Trusted Operator Program – Container Registry and Monitoring System (TOP-CRMS) project ng ahensya, tulad ng sistemang gamit sa ibang bansa.
Ang TOP-CRMS ay bahagi ng digital transformation initiatives ng PPA bilang tugon sa panawagan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. para sa mga ahensya ng gobyerno na i-digitize ang mga operasyon para sa “ more efficient, more transparent and less prone to corruption” na serbisyo sa publiko.
Noong 2022 nang simulan ng PPA ang TOP-CRMS project sa bisa ng PPA Administrative Order 04-2021, na ang pangunahing layunin ay kinabibilangan ng pagbaklas sa container deposit na nagkakahalaga ng nasa P10,000 hanggang P30,000 na umaabot pa nga ng hanggang P180,000 kung ito ay refrigerated at pangalawa naman ay maisaayos ang mga basyo o bakanteng container sa yard facilities.
Sa ilalim ng TOP-CRMS, P980 na lamang para sa container deposit insurance at monitoring fee ang babayaran ng mga importer na malinaw namang halos barya na lamang kumpara sa pinapairal na sistemang kinapapalooban ng mga nabanggit na singilin bukod pa sa ibang bayarin na gaya ng pre-advise fee at detention charges sa mga shipping lines.
Suportado rin ng Bureau of Customs (BOC) ang sistema nang isagawa ang konsultasyon sa gitna ng pag-ani ng mga pagtutol dahil sa akalang dagdag pasanin ito ng mga negosyante at inakalang duplikasyon lang ng umiiral na Electronic Tracking of Containerized Cargo (e-TRACC) System ng BOC.
Noong Marso 2023 ay binigyan ng 36-“Good Practice RIS” ng Anti-Red Tape Authority (ARTA) sa ebalwasyon sa TOP-CRMS, na ibig sabihin ay tugma at epektibong solusyon sa mga problema ng port user at trucker.