MANILA, Philippines — Pinapayuhan ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang publiko na magsuot ng face mask bunsod ng patuloy na pagbubuga ng asupre o sulfur dioxide ng Bulkang Taal.
“Payo natin sa ating mga kababayan lalo na ngayon nasa weekend, maraming pupunta sa Tagaytay, magsuot ng face mask. N-95 kung maaari,” ani Phivolcs Director Dr. Teresito Bacolcol sa panayam ng DZBB.
Ayon kay Bacolcol, ang kanilang advisory tungkol sa sulfur dioxide degassing ay bunsod na rin ng pahayag ng PAGASA na mabagal ang kilos ng hangin.
Aniya, posibleng maging vog o volcanic smog ang sulfur dioxide kung hindi agad ito mawawala. Huwebes nang makapagtala ang Phivolcs ng sulfur dioxide bukod pa sa sunud-sunod na usok.
Bagamat nasa Alert Level 1 pa rin ang kondisyon ng Taal Volcano, nakapagtala ng mga phreatic eruption na tumagal ng dalawang minuto at limang volcanic tremors nitong Sabado.
Paalala ng Phivolcs, nananatiling off limits sa Main Crater at Daang Kastila ang publiko partikular ang mga magbabangka at magpapalipad ng aircraft.