MANILA, Philippines — Umabot na sa halos 800 katao ang naapektuhan kasunod ng pagsabog ng Bulkang Kanlaon nitong Lunes sa isla ng Negros, ayon sa huling taya ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Kabilang sa mga nasalanta ng nag-aalburotong bulkan ang sumusunod:
- lumikas: 796
- nasa loob ng evacuation centers: 695
- nasa labas ng evacuation centers: 111
Wala pa namang naitatalang halaga ng pinsala sa agrikultura at imprastruktura ang NDRRMC ngayong Martes.
Umabot naman na sa mga residente ng Western Visayas ang P48,840 halaga ng ayuda sa porma ng mga sleeping kits.
Kahapon lang nang mangyari ang insidente na siyang umabot ng anim na minuto. Sinundan ang pagsabog ng malakas-lakas na volcano-tectonic earthquake o lindol.
Sinasabing idinulot ng "shallow magmatic processes" ang pag-aalburoto ng Kanlaon na siyang maaari pang magdala ng karagdagang explosive eruptions. Posible rin itong mauwi sa delikadong magmatic eruption.
Pinaiiwas ng Phivolcs ang publiko na iwasan ang four-kilometer-radius permanent danger zone nito upang makalayo sa mga biglaang pagsabog, paghulog ng bato at pagguho ng lupa.
Pinatatakpan din ng basang tela ang bibig at ilong ng mga residente sa malalapit na lugar oras na magdulot ito ng ash fall.
Una nang itinaas sa Alert Level 2 ang bulkan matapos ang insidente.