MANILA, Philippines — Lubha umanong nakakaalarma na ang pagdami ng taong may matinding sakit sa bato.
Ayon sa National Kidney and Transplant Institute (NKTI) tumaas ng 42 percent ang bilang ng mga taong may matinding sakit sa bato o chronic kidney disease sa Pilipinas.
Sa pagdiriwang ng National Kidney Month, sinabi ni Dr. Romina Danguilan, Deputy Executive Director for Medical Services ng NKTI, 60,000 na ang bilang ng mga nagpapa-dialysis na pasyente at nasa 35,000 ang bagong pasyente na naitala noong nakaraang taon
Anya, nasa 17 percent ang itinaas ng bilang ng in-patient mula taong 2022 na ngayon ay nasa 12,000 na ang bilang. Ang outpatient naman ay nasa 38 percent na ang itinaas mula taong 2022 na ngayon ay nasa 58,000 na ang bilang.
“It’s alarming, it’s very high. Dati po 5 years ago ‘yung itinataas lang ng incidents of dialysis patients was only about 30 percent, now it’s already 42 percent,” sabi Danguilan.
Ayon pa kay Danguilan, ang mga may sakit na diabetes at hypertension ang nangungunang nagkakaroon ng kidney failure.
Para maiwasan ang sakit sa bato, hinikayat ni Danguilan ang mamamayan na iwasan ang mga pagkain na may preservatives nagdudulot ng sakit sa bato at laging magpa-check-up para mamonitor ang kalusugan.
Sinabi pa ni Danguilan na nagdudulot din ng kidney failure ang matinding init ng panahon kaya kailangan laging uminon ng maraming tubig.
Sa tala ng NKTI, nasa 350 kada taon ang bilang ng naitalang nagpa-kidney transplant habang sa buong Pilipinas ay 600 kada taon.