MANILA, Philippines — Mas padadaliin na ng Department of Social Welfare Development (DSWD) ang pagtanggap ng ayuda ng mga 4Ps beneficiaries sa pamamagitan ng e-wallet.
Ayon kay DSWD Asst. Secretary for 4Ps and National Household Targeting System Marites Maristela, layon nilang magkaroon ng sapat na digital financial literacy ang lahat ng mga 4Ps beneficiaries sa paglulunsad ng “e-PANALO ang Kinabukasan” program.
Nakikipag-ugnayan na sila sa G-Xchange, Inc. na operator ng GCash; Maya; Land Bank of the Philippines at maging ang private sectors kabilang ang Ayala at BPI Foundation.
Aniya, kailangan na maging accesible, on time at convenient sa 4Ps beneficiaries ang pagtanggap ng ayuda at hindi na mababawasan pa ang kanilang matatanggap partikular na ang mga nanggagaling sa mga liblib na lugar.
Kadalasang nangyayari na pumipila sa mga ATMs ang mga benepisyaryo na malaking abala sa mga ito.
“The DSWD undertakes this initiative to help 4Ps beneficiaries adapt to the emerging modern platforms and technology for faster access to various financial online services,” ani Maristela.
Sa isinagawang caravan sa Davao City, nasa 200 4Ps beneficiaries ang lumahok sa diskusyon at hinikayat na gamitin ang mga digital applications para sa kanilang mga pinagkakagastusan.