51,700 katao nasalanta ng Typhoon Aghon — NDRRMC

Makikitang sinasagip ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard ang ilang residente sa Lucena, Quezon sa gitna ng bagyong "Aghon"
Released/NDRRMC

MANILA, Philippines — Libu-libong pamilya na ang nasalanta ng bagyong "Aghon," bagay na nagresulta sa isang patay at walong sugatan sa rehiyon ng Northern Mindanao.

Sa situation report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ngayong Martes, sinabing umabot na sa 51,659 katao ang naaapektuhan ng bagyo kabilang ang:

  • patay: 1
  • sugatan: 8
  • lumikas: 21,225
  • nasa loob ng evacuation centers: 14,816
  • nasa labas ng evacuation centers: 6,409

Parehong nasa Balingasag, Misamis Oriental ang namatay at isa sa sugatan. Kapwa babae at teenager ang mga biktima nang madisgrasya sa Barangay Baliwagan. Nagpapagaling pa sa ospital ang 15-anyos na nakaligtas.

"On 24 May 2024, around 8:35 AM, due to strong winds, a balete tree fell on a tricycle parked at the side of the road with 2 students passengers,"  sabi ng NDRRMC.

Naitala ang ilang kaso ng pag-aapaw ng ilog, pagbaha, buhawi, pagtumba ng puno at pagguho ng lupa sa mga sumusunod na lugar:

  • Cagayan Valley
  • Central Luzon
  • CALABARZON 
  • MIMAROPA
  • Bicol Region 
  • Eastern Visayas

Bukod sa mga naturang lugar, naapektuhan din ng bagyo ang Central Visayas at National Capital Region.

Wala pa mang datos ang NDRRMC patungkol sa pinsala sa agrikultura at imprastruktura, 22 bahay na ang napinsala sa Region 8. Sinasabing 18 rito ay bahagyang pagkasira habang apat naman ang wasak nawasak.

Kanina lang nang sabihin ng PAGASA na maiimpluwensyahan pa rin ng ng bagyo ang Southwesterly Windflow sa pagdadala ng katamtaman hanggang malalakas na pag-ulan sa kanlurang bahagi ng Northern Luzon, Central Luzon at MIMAROPA hanggang Miyerkules.

Tinatayang makalalabas ng Philippine area of responsibility ang typhoon ngayong umaga o tanghali.

Show comments