MANILA, Philippines — Tahasang sinabi ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. na maging siya na mismong tubong-Tarlac ay hindi kilala si Bamban Mayor Alice Guo.
“Hindi ko kilala [ang family]. Wala akong kakilalang ganyan. Nagulat lang ako na may ganyan. Nakalulungkot na sa lalawigan ko pa nangyari. Kaya ang katanungan ng marami kong kababayan sa probinsya, paano nangyayari ito sa lalawigan?” ani Teodoro.
Ang Bamban ay itinuturing na second-class town sa lalawigan ng Tarlac.
Nagsilbi naman si Teodoro bilang three-term congressman, naging kinatawan ng 1st District ng Tarlac, mula 1998 hanggang 2007.
Sa mga nakalipas na araw, kinuwestiyon ang pagkakakilanlan ni Guo sa gitna ng Senate inquiry na diumano’y nag-uugnay sa kanya sa mga kompanya ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa Baofu Compound, sa likod lang ng Bamban town hall.
Sinalakay ang mga ito ng mga law enforcers noong Pebrero 2023 at Marso 2024 may kaugnayan sa alegasyon ng human trafficking at serious human illegal detention.
Ang hinala ni Teodoro ay mayroong iba pang personalidad ang nasa likod ng ilegal na aktibidad sa naturang bayan.
Naniniwala si Teodoro na may pananagutan ang LGU hanggang sa taas maging ang Philippine National Police.
Sa ginawang pagsalakay ng mga awtoridad, lumitaw ang human trafficking kung saan nakita ang isang chamber sa ilalim ng lupa ng hindi kanais-nais.
Aniya, lubhang nakababahala ito.