MANILA, Philippines — Iginiit ni Senator Christopher “Bong” Go, sa pagdinig ng Senate committee on public order and dangerous drugs, na dapat mas bigyang pansin ang malaking problema sa ilegal na droga na patuloy na kinakaharap ng bansa.
Sinabi ito ni Go matapos niyang ipahayag ang kanyang suporta sa layunin ni committee chair, Sen. Ronald “Bato” dela Rosa na panatilihing malaya sa pulitika ang imbestigasyon.
“Ang pangunahing layunin natin dito ay ang kapakanan at kaayusan ng publiko...Pinag-usapan po natin ang droga dito. Mas importante po itong problema ng droga sa ngayon,” sabi ni Go.
Nag-ugat ang imbestigasyon sa nag-leak na dokumento sa loob ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Sa simula, nilinaw ni Go, vice chairperson ng komite na ang pangunahing layunin ng pagdinig ay ibunyag ang buong katotohanan sa likod ng mga paratang.
Sa pagdinig, binanggit ni Go ang nakakabahalang insidente na kinasasangkutan ng pagtakas ng mga bilanggo mula sa isang pasilidad ng detensyon ng PDEA.
Kinumpirma naman ni PDEA Director General Virgilio Lazo ang pagtakas at iniimbestigahn na aniya ito sa pakikipagtulungan ng Philippine National Police.
Sa kanyang mga pahayag, binigyang-diin ni Go ang malaking implikasyon ng naturang security breaches na nag-uugnay sa pangkalahatang isyu ng wastong drug enforcement.