Pagiging no. 1 rice importer ng 'Pinas sa mundo iniugnay uli sa rice liberalization

A man rests on sacks of rice along a street in Manila on May 9, 2024.
AFP/Jam Sta. Rosa

MANILA, Philippines — Sa ikatlong sunod na taon, nanguna ang Pilipinas sa mga bansang posibleng mag-angkat ng pinakamaraming bigas sa buong mundo sa kabila ng agrikultural nitong katangian.

Kamakailan lang nang i-project ng United States Department of Agriculture (USDA) ang 4.2 milyong metrikong toneladang total rice imports ng 'Pinas para sa taong 2025, bagay na kinakailangan aniya para matugunan ang papalaking consumption "dulot ng populasyon at turismo."

"This forecast says a lot about how [Republic Act] 11203 has affected rice farmers, consumers and the domestic rice industry in the past five years of its implementation," ani Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) chairperson Danilo Ramos ngayong Martes sa pagdinig ng Senado.

 

 

Tumutukoy ang RA 11203 sa Rice Liberalization Law, bagay na nagtatanggal sa restriksyon sa dami ng dayuhang bigas na maaaring iangkat sa Pilipinas kapalit ng tarpika.

Matagal nang tinututulan ng ilang progresibong magsasaka ang pagpapatupad ng naturang batas sa dahilang pinapatay aniya ng pagbaha ng banyagang bigas ang lokal na industriya.

Una nang sinabi sa pagdinig, na pinangunahan ni Senate Committee on Agriculture and Food chairperson Cynthia Villar, na irerebyu ang Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF)  sa ilalim ng Section 13 ng batas.

Kinakailangan kasing magsagawa ng mandatory review rito kada anim na taon para malaman kung ipagpapatuloy, aamyendahan o ibabasura ang Rice Fund.

Paliwanag ng KMP, kinakaailangang pag-isipan nang maigi kung palalakihin patungong P15 bilyon ang RCEF bunga ng "mahinang" paggamit ng Philmech sa pondo.

Lumalabas daw kasi sa datos na nananatili lang sa 14% ang mechanization ng pagtatanim sa bansa, ito matapos bumibili aniya ang Philmech ng "overpried" tractors noong taong 2021.

Idiniin din ng grupo ang mabagal na pamamahagi ng Rice Farmers Financial Assistance (RFFA), bagay na nag-"forfeit" na raw sa papel nitong magbigay ng agarang ayuda sa mga magbubukid ng palay.

"Inaabot ng ilang taon bago maipamahagi sa mga magsasaka ng palay ang P2.135 billion excess tariff revenue collection noong 2019, ang P5.471 billion noong 2020, ang P8.948 billion noong 2021 at ang labis na P12.795 billion noong 2022," dagdag pa ni Ramos sa oversight hearing.

"Sa taong 2023, halos P20B ang excess tariff revenue collection subalit hindi pa ito lubusang naimamahagi sa mga magsasakang benepisaryo ng RFFA."

Iminumungkahi ng KMP na dapat ma-assess ang RCEF kasabay ng National Rice Program ng Department of Agriculture, Agriculture, Fisheries and Mechanization Act at pagpapalakas ng mandato at regulatory functions ng BPI pagdating sa paglalabas ng  Sanitary and Pythosanitary Import Clearances.

Kasunduan sa ibang bansa

Lunes lang nang batikusin ng AMihan National Federation of Peasant Women ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kaugnay ng patuloy na pagiging dependent ng Pilipinas sa rice imports.

"Malinaw na kontra-magsasaka at kontra-Pilipino at dapat lang batikusin si Marcos dahil sa commitment nito sa 5-year deal nito sa Vietnam at sa World Trade Organization para tuluy-tuloy na mag-import ng bigas at kapabayaan sa lokal na produksyon," ani Zenaida Soriano, tagapangulo ng Amihan kahapon.

Matatandaang umupo si Marcos Jr. bilang kalihim ng DA matapos manalo sa pagkapresidente taong 2022 para tugunan ang krisis sa pagkain, isang posisyon na ibinigay niya kalaunan kay Francisco Laurel Jr.

Matatandaang ipinangako ni Marcos Jr. habang kumakandidato na maibababa niya ang presyo ng bigas patungong P20/kilo, bagay na hindi pa rin natutupad hanggang ngayon.

Show comments