Exclusive Balikatan exercise sa French Navy, aprub kay Pangulong Marcos

Philippine Balikatan director Army Maj. Gen. Marvin Licudine and US First Marine Expeditionary Force commander Lt. Gen. Michael Cederholm furl the Balikatan flag during the closing ceremony of the joint military exercises, at Camp Aguinaldo yesterday.
Walter Bollozos

MANILA, Philippines — Pabor si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magkaroon ng exclusive Balikatan exercise ang French Navy at Philippine Navy.

Sinabi ni Pangulong Marcos na malaking bagay ang mga natatanggap na suporta ng Pilipinas mula sa mga kabalikat nitong bansa.

Nauna nang sinabi ng French Navy noong nakaraang linggo na interesado silang magsagawa ng Balikatan exclusive exercises kasama ang Pilipinas.

Ayon pa kay Pangulong Marcos, nagpapasalamat ang pamahalaan sa ibang mga bansa na ang iba, nanggagaling pa sa malayo, ngunit, handa pa ring tumulong sa Pilipinas, sa oras ng pangangailangan.

“Kami nagpapasalamat sa lahat ng mga iba’t ibang bansa kahit na hindi... Iyong iba nga ay nanggagaling sa malayo pa ngunit sila ay handang tumulong sa atin at kapag tayo’y nagkakaproblema, very supportive sila hanggang hindi lamang sa salita kung hindi pati na sa mga tinatawag na joint cruises,” ayon pa kay Pangulong Marcos.

Ang mga ganitong inisyatibo umano ang tumutulong sa bansa upang magarantiyahan ang freedom of navigation sa West Philippine Sea (WPS).

“Kaya’t napakalaking bagay ‘yan dahil ito lang ang paraan upang magarantiya natin na ang West Philippine Sea ay patuloy ang tinatawag na freedom of navigation at ang daming dumadaan diyan at ‘yung tinatawag na global economy ay umaasa at kinakailangan para ang global economy ay gumanda, kailangan libre, ligtas ang lugar ng West Philippine Sea,” pahayag ni Pangulong Marcos.

Ayon kay Pangulong Marcos malaking tulong ito sa pagpapanatili ng kapayapaan at stability sa rehiyon.

Show comments