Ex-DOH Sec. Duque, 1 pa pinakakasuhan ng Ombudsman sa P41.46-bilyong COVID-19 supplies
MANILA, Philippines — Nakitaan ng ‘probable cause‘ ng Office of the Ombudsman para kasuhan sa korte sina dating Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque at Procurement Service-Department of Budget and Management (PS-DBM) Undersecretary Lloyd Christopher Lao.
Kaugnay ito ng kasong graft sa umano’y illegal na paglilipat ng P41.46 bilyong pagbili ng COVID-19 supplies at mga kagamitan noong 2020 sa kasagsagan ng pandemya.
Sa hiwalay na ruling ng Ombudsman, sina Duque at Lao ay kapwa guilty sa grave misconduct at conduct prejudicial to the best interest of the service. Ang mga ito ay ipinag-utos na idismis sa serbisyo at kumpiskahin ang lahat ng mga retirement benefits gayundin ang perpetual na diskuwalipikasyon sa anumang reemployment sa serbisyo sa gobyerno.
Ayon sa Ombudsman, dahil hindi na maaring ipataw pa ang dismissal o pagsibak kina Duque at Lao, ang kaparusahan na maaring ipataw sa mga ito ay katumbas ng kanilang suweldo ng isang taon na kailangang bayaran sa tanggapan ng Office of the Ombudsman.
Sa nasabing ruling ang mga reklamo naman laban kina DOH Undersecretaries Ma. Carolina Taino, Myrna Cabotaje, and Roger Tong-an; Director IV Crispinita A. Valdez; Undersecretary for Finance Leopoldo Vega; Director IV Napoleon Arevalo; Director IV Enrique Tayag; Chief Accountant Lorica Rabago at Officer-in-Charge of FMS Accounting Division Filipina Velasquez ay ipinag-utos na ipawalang bisa.
Ang nasabing desisyon ay nilagdaan ni Ombudsman Samuel Martires nitong Mayo 8, 2024.
Sa rekord mula Marso hanggang Disyembre 2020 ang DOH ay nakapaglipat ng P41,463,867,117.52 bilyong pondo sa PS-DBM para sa procurement ng Covid-19 supplies at equipment tulad ng Personal Protective Equipment (PPEs), RT-PCR detection kits, automated nucleic acid extraction machine, mechanical ventilator, face shields, surgical masks, cadaver bags at iba pa.
- Latest