Tulfo sa Senado: Ipasa House version ng amyenda sa rice tarrif law

Broadcaster Raffy Tulfo
Photo release

MANILA, Philippines — Nanawagan si House Deputy Majority Leader Erwin Tulfo sa kanilang counterpart sa Senado na madaliin na ang pag-amyenda sa Rice Tarrification Law (RTL) kasabay ng apela na dapat ding itulak ng Senado ang kanilang panukala na ibalik sa merkado ang murang bigas ng National Food Authority (NFA).

Ginawa ni Tulfo ang pahayag matapos aprubahan nitong Martes ng House Committee on Agriculture and Food sa pamumuno ni Quezon province Rep. Mark Enverga ang pag-amyenda sa RTL. Agad din itong naaprubahan sa Committee on Ways and Means sa pamumuno naman ni Albay Rep. Joey Salceda.

“Nakalusot nga ho dito (sa Kongreso), ang problem namin ngayon is sa Senate. Iba ho ‘yung version nila eh. Yung version noon ng Sena­te, walang laman eh. Eh wala ho binabanggit doon na NFA,” ayon sa pahayag ni Tulfo ng ACT-CIS partylist.

“So pumasa man ho dito, pagdating ho sa kanila, wala rin mangyayari siguro. Eh pakiusap po namin sa Senate, baka pwede naman ho, sumabay na lang ho kayo sa version namin. Isantabi ho muna natin ‘yung mga business interest, personal interest natin. Unahin po muna natin ‘yung interest ng mga tao, ng nakakarami ho sa atin,” dagdag ni Tulfo.

Inaprubahan sa Kongreso ang naturang panukala matapos ipag-utos ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez na madaliin ang pagpasa nito, isang araw matapos i-anunsyo mismo ng pangulo na ise-certify niyang “urgent” ang panukalang pag-amyenda sa RTL.

Kasama sa pag-am­yenda ang pagbabalik sa merkado ng mababang presyo ng bigas mula sa NFA para ma-solusyunan ang patuloy na pagtaas ng presyo ng bigas na aabot na sa mahigit P50 kada kilo.

Show comments