‘Destab plot’ vs Pangulong Marcos dahil sa ICC probe

MANILA, Philippines — Ibinunyag ni dating Senador Antonio Trillanes III na dahil sa imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) laban kay dating Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte kung bakit may ugong at planong destabilisasyon ngayon sa administrasyong Marcos.

Sa isang press conference, sinabi ni Trillanes na dating mga retirado at aktibong opisyal ng Philippine National Police (PNP) na aniya ay sanggang dikit umano ni Digong ang kasama sa planong destab para pahiyain ang kasalukuyang administrasyon.

Nagsimula umano ang “recruitment”noong nakaraang taon subalit wala pang nahihikayat.

Naniniwala ang dating senador na ang destab plot ay para protektahan si dating pangulong Duterte mula sa pagpapalabas ng warrant of arrest ng ICC kaugnay ng kasong crime against humanity of murder sa kasagsagan ng kampanya laban sa illegal drugs.

Layon umano ng ouster plot na mapatalsik si PBBM upang pumalit si Vice President Sara Duterte.

Napag-alaman na posib­leng lumabas sa susunod na buwan ang arrest warrant ng ICC laban kay Digong.

Humihingi na rin ng tulong ang ICC sa International Criminal Police Organization (Interpol) para maipatupad ang arrest warrant.

Muli namang iginiit ng dating Senador ang naunang pahayag na dahil may mga kasapi na ng PNP ang nagbigay ng kooperasyon sa ICC na nagpapatunay na may kinalaman ang administrasyong Duterte sa extra-judicial killings (EJK) noong panahon ng pamumuno nito.

Kaya giit ni Trillanes, nakilala na kung sinu-sino ang mga pasimuno sa planong pabagsakin ang gobyerno at may mga hakbang ng ginagawa ang pamahalaan hinggil dito.

Naniniwala naman si Trillanes na base sa kanyang contact sa gobyerno, sasabihin lang ng admini­strasyon ang nais nilang sabihin at gagawin kung ano ang kailangan na may kaugnayan sa arrest warrants.

Inihalimbawa rin nito ang biglang pagpapalit ng political landscape sa bansa, hakbang ng pamilya Duterte at mga kaalyado nito para pahinain ang administrasyong Marcos bilang key factors para makahikayat sa mga gabinete na makipag-cooperate sa ICC.

Dagdag pa ng dating senador na Interpol ang maglalabas ng warrant of arrest at sinabing may legal na obligasyon ang Pilipinas na magbigay kooperasyon sa international authorities sa ilalim ng national laws at mga treaty obligations nito.

Lumilitaw na maglalabas din ng blue Interpol notice laban sa 50 dati at aktibong opisyal ng PNP na kabilang sa “persons of interest” ng ICC probe.

Show comments