Higit 50K customer, employee data ng LTO nag-leak?

MANILA, Philippines — Tikom ang bibig ng Land Transportation Office (LTO) sa mga kumakalat na isyu sa social media na nagkaroon ‘diumano ng security breach sa information technology (IT) platform nito na Land Transportation Management System (LTMS) na dinevelop ng kanilang banyagang IT provider.

Sa isang Facebook post ng IT expert na si Art Sama­niego, nabunyag na nasa 45,008 customer credentials at 8,442 na datos ng ilang kawani ng LTO ang posibleng nakompromiso at naireport na ang natu­rang leak sa Department of Information and Communications Technology (DICT) na kasalukuyang iniimbestigahan ang pangyayari.

Nabanggit din ang posibleng LTO data breach sa Facebook post ng Deep Web Konek (DWK), isang grupo ng cyberthreat intelligence advocates na may higit 11,000 followers sa kanilang page at nakatanggap ng report na nasa 34 gigabyte (GB) na halaga ng LTO data ang posibleng nakompromiso dahil sa leak.

Matatandaang ang kontrobersyal na LTMS project na nagkakahalaga ng P3.14 bilyon na layong i-digitize ang mga pro­seso sa LTO ay na-award sa isang joint venture ng banyagang IT provider na Dermalog at tatlong lokal na kumpanya kabilang ang Holy Family Printing Corp., Microgenesis, at Verzontal Builders, Inc. noong Mayo 2018.

Kamakailan ay nagpahayag ang Supreme Court (SC) na malapit na nitong ilabas ang desisyon sa isang petisyon na naglalayong ipawalang-bisa ang kontrata ng gobyerno sa Dermalog para sa LTMS project.

Ayon sa mga petitioner na sina Atty. Jose Carlito Montenegro at Gerald Domingo, depektibo ang LTMS at posibleng maging banta sa national security kung magkakaroon ng breach sa mga personal na impormasyon ng mga kliyente ng LTO kaya dapat na i-blacklist ang Dermalog.

Nagsagawa na rin ang House Committee on Transportation ng ilang pagdinig kaugnay ng mga iregularidad sa LTMS project.

Show comments