PNP naglabas ng moratorium vs pagpapabura ng tattoo
MANILA, Philippines — Naglabas ng moratorium ang Philippine National Police (PNP) laban sa pagpapabura ng mga nakikitang tattoo sa katawan ng mga pulis.
Inatasan na ni PNP chief Gen. Rommel Marbil ang Directorate for Personnel and Records Management (DPRM) upang ipatupad ang moratorium habang nirerebisa ang MC 2024-023 na nag-uutos ng pagbubura sa mga nakikitang tattoo sa mga tauhan ng PNP.
“Doon sa sinasabi na moratorium, ang binaggit dito ay pinapa-review ng ating Chief PNP yung implementation with respect doon sa pagpapaalis particularly ng mga visible tattoos. At na-explain at naipaliwanag ito ng no less than the Chief PNP na to a certain degree, ang mga kapulisan ay may kailangan i-maintain ang disiplina, mga code of conduct, norms, different from the other government employees,” ani PNP spokesperson Col. Jean Fajardo.
Nais din aniya ni Marbil na masiguro na hindi makaaapekto sa kalusugan at pangangatawan ang pagpapabura ng mga tattoo ng mga pulis.
Inoobliga ng MC 2024-023 ang lahat n mga tauhan na may tattoos na magbigay ng written affidavit na nagdedeklara ng kanilang mga tattoo at pag-aalis sa mga visible tattoo.
Dagdag pa ni Fajardo na nais ni Marbil na maiwasan ang anumang diskriminasyon, at isyu sa pagpapabura ng tattoo kaya agad na nagpalabas ng suspensisyon hinggil dito.
Hindi naman kasama ang aesthetic tattoo tulad ng eyebrow at lip tattoos.
- Latest