US, Pinas, France naval ships sabay naglayag sa West Philippine Sea

MANILA, Philippines — Nagsimula na nitong Huwebes ang sama-samang paglalayag ng US, Filipino at French naval ships para sa isasagawang Multilateral Maritime Exercise mula sa Puerto Princesa City, Palawan patungo sa pagdarausan ng drill games sa West Philippine Sea (WPS).

Ito’y sa gitna na rin ng pagdedeploy ng China ng 124 barko at Chinese militia ships sa WPS matapos na mabatid ang isasagawang MME. 

Una nang nagbabala ang China laban sa umano’y anumang mapaghamong hakbang sa nasabing teritoryo.

Sinabi ni Navy Captain Ariel Joseph Coloma, Spokesperson ng AFP-Western Command, unang naglayag ang BRP Ramon Alcaraz na umalis sa ­daungan ng Puerto Princesa City na sinundan naman ng BRP Tarlac at FS Vendemiaire (F374), isang Floreal-Class frigate ng French Navy.

Kalahok din sa MME ang mga landing ship dock USS Harpers Ferry (LSD 49) ng US Navy at BRP Davao del Sur (LD 602) ng Philippine Navy.

Ang naturang mga barko ay magsasagawa ng naval drill sa silangang bahagi ng karagatan ng Palawan kung saan kabilang dito ang division tactics, officer-of-the watch maneuvers habang naglalayag sa target na lugar.

Nasa 16,000 tropa ng US at Pinoy troops ang kalahok sa Balikatan joint military exercise sa taong ito kung saan kalahok rin ang Philippine Coast Guard na may 150 tauhan, PNP-Special Action Force, 157 personnel; Australia, 150 at France 100 troops.

Show comments