MANILA, Philippines — Apektado na ng pagnipis ng reserba sa kuryente sa buong bansa.
Ito, ayon sa abiso ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) ay dahil ang Luzon, Visayas at Mindanao Grid ay nasa ilalim na ng alert status kahapon miyerkules, April 24.
Unang ipinatupad ang yellow alert status sa Visayas at Mindanao Grid simula alas-10 ng umaga kahapon habang tatagal nang hanggang alas-4 ng hapon ang Yellow alert sa Mindanao Grid.
Sa Visayas Grid ay itinaas naman sa red alert status mula alas-12 ng tanghali hanggang alas-5 ng hapon at alas-6 ng gabi hanggang alas-8 ng gabi.
Makaraan nito ay babalik ito sa yellow alert ng alas-5 ng hapon hanggang alas-6 ng gabi at mula alas-8 ng gabi hanggang alas-9 ng gabi.
Samantala sa Luzon grid, ang red alert status ay mula alas-3 ng hapon hanggang alas-4 ng hapon at yellow alert ala-1 ng hapon hanggang alas-3 ng hapon at mula alas-4 ng hapon hanggang alas-10 ng gabi.
Ayon sa NGCP, maraming planta pa rin ang naka-forced outage at tumatakbo sa mas mababang kapasidad na nakakaapekto sa reserba ng kuryente.
Una na ring nanawagan ang DOE sa publiko sa wastong paggamit ng kuryente ngayong buong bansa na ang apektado ng pagnipis ng reserba o pagkulang ng suplay ng kuryente dahil sa sobrang init ng panahon na mataas ang demand sa kuryente ng mamamayan.