Partylist groups na natalo sa magkasunod na eleksiyon, aalisin na sa listahan ng Comelec

MANILA, Philippines — Hindi na umano papayagan pa ng Commission on Elections (Comelec) na makatakbo sa 2025 midterm elections ang isang partylist group na natalo sa magkasunod na halalan sa bansa.

Sa Bagong Pilipinas public briefing kahapon, kinumpirma ni Comelec spokesman John Rex Laudiangco na nakatakdang maglabas ang poll body ng isang resolusyon upang tuluyan nang tanggalin sa listahan ng mga accredited organizations na pinapayagang lumahok sa halalan sa susunod na taon, ang mga naturang party-list groups na natalo ng dalawang beses sa magkasunod na eleksiyon.

“Patungkol sa existing partylist na nakasali sa nakaraang halalan, maglalabas ang Comelec ng resolution kung saan yong mga sumali at dalawang beses hindi nanalo, maaring ng matanggal na sa listahan ayon sa Partylist Act,” ayon pa kay Laudiangco. “Asahan ninyo na ilalabas ito ng Comelec.”

Kaugnay nito, sinabi ni Laudiangco na kasalukuyan pang isinasailalim sa screening ng Comelec ang mga organisasyon na nagsumite ng applications for registration.

Aniya, inaalam nila kung ang mga ito ba ay tunay na kinatawan ng sektor na kanilang inirerepresenta.

Tinutukoy rin aniya nila kung nakatalima ba ang mga ito sa mga requirement na itinatakda ng Partylist Act.

Una nang sinabi ni Comelec Chairman George Erwin Garcia na plano nilang bawasan ang bilang ng mga partylist groups na lalahok sa May 2025 National and Local Elections.

Show comments