13-anyos estudyante pinasabog ulo

Hindi na naisalba pa ang buhay ng biktimang si Jenny Balacuit, 13, estudyante ng Banyaga National High School at residente ng nasabing barangay.
STAR/File

Habang papasok sa iskul

MANILA, Philippines — Isang Grade 8 student ang binaril sa ulo habang naglalakad papasok sa paaralan sa Brgy. ­Ban­yaga, Agoncillo, Batangas, ­kamakalawa ng umaga.

Hindi na naisalba pa ang buhay ng biktimang si Jenny Balacuit, 13, estudyante ng Banyaga National High School at residente ng nasabing barangay.

Sinabi ni Police Major Broderick Noprada, ­Officer-in-Charge ng Agoncillo Police Station, alas-6:00 ng umaga nang mangyari ang krimen.

Hindi inakala ng mga tao na naroon sa pinangyarihan ng krimen na babarilin ng suspek ang bata na akala nila ay ­naghahatid lang din ito ng estudyante.

Bigla na lamang itong nagbunot ng 9mm na baril at pinaputukan ng isang beses ang dalagita.

“Sa hindi malamang dahilan ay binaril niya ‘yung bata. ‘Yun nga ang akala kasi nila is parang naghahatid lang ng estudyante. Actually may isa nga dun na isang barangay tanod na nakabiruan pa ng suspek, kaso lang hindi niya masyadong namukhaan ‘yung suspek,” sabi ni Noprada.

Mabilis na tumakas ang suspek matapos ang pamamaril.

Sinusuyod na ng kapulisan ang CCTV footage sa lugar at magsasagawa ng backtracking investigation para matukoy ang pagkakakilanlan ng salarin.

Sinabi naman ng kapatid ng biktima na wala silang alam na nakaaway ng dalagita at wala rin sa kanilang naikuwento.

Show comments