Hontiveros: Lisensiya ng mga baril ni Quiboloy, bawiin!

MANILA, Philippines — Nanawagan si Senador Risa Hontiveros nitong Lunes sa Philippine National Police (PNP) na bawiin at kanselahin ang lisensya ng mga baril ni pastor Apollo Quiboloy na tinawag ng senadora na isang pugante.

Ginawa ni Hontiveros ang pahayag matapos kumalat online ang mga larawan at video ng kanyang sinasabing private army training with firearms.

“Quiboloy is armed and dangerous. Buhay na buhay ang mga armadong sundalo niya na handang magpakamatay para sa kanya. The PNP should confiscate these firearms at once,” ani Hontiveros.

Noong nakaraang linggo, sinabi ng PNP sa isang press conference na si Quiboloy, na nakapagrehistro ng hindi bababa sa 19 na baril, ay hindi maaaring ituring na “armed and dangerous” dahil wala siyang dating rekord ng karahasan o rekord ng pagtatrabaho sa mga pribadong armadong grupo.

“The PNP should do better. Alam na ng lahat sa social media na may private army siya, pero bakit parang nagbubulag-bulagan pa sila? Pugante na si Quiboloy kaya huwag na dapat mag-alangan ang PNP na bawiin ang mga armas niya,” ani Hontiveros.

Binigyang-diin din ni Hontiveros na dapat gawin ng PNP ang lahat ng pagsisikap para tuluyang maipit si Quiboloy, lalo na’t nahaharap na sa dalawang warrant of arrest ang pinuno ng Kingdom of Jesus Christ.

“I urge the new PNP chief, PGen Rommel Marbil, to step up. There could be a failure of intelligence if it takes this long to locate Quiboloy’s whereabouts. Dalawang warrants of arrest na ang na-issue pero di pa maaresto. Along with his private army, he is a threat to peace and order in the country,” ani Hontiveros.

Show comments