Interes ng Pinas sa trilateral ­meeting tagumpay na naisulong

Filipino President Ferdinand Marcos Jr. speaks during a trilateral meeting with US President Joe Biden and Japanese Prime Minister Fumio Kishida (off frame) in the East Room of the White House in Washington, DC, on April 11, 2024. A
FP / Andrew Caballero-Reynolds

MANILA, Philippines — Magiging kapaki-pakinabang sa mga Pilipino ang resulta ng makasaysayang trilateral meeting nina US President Joe Biden, Japan Prime Minister Fumio Kishida at Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Ayon kay Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez na kasamang nagtungo ni Pangulong Marcos sa ­Washington DC, mahalaga na naging solido ang pagsuporta ng Estados Unidos at Japan sa Pilipinas kaugnay ng isyu ng West Philippine Sea (WPS).

Sa Joint Vision Statement nina Biden, Kishida, at Marcos kinondena ng tatlong lider ang mga ginagawang panghaharass ng China sa mga Pilipino sa WPS gayundin ang militarization ng mga reclaimed features sa lugar.

Sinabi ni Biden na anumang pag-atake sa eroplano, sasakyang pangdagat ng Pilipinas o militar ay magreresulta sa paggamit ng Mutual Defense Treaty kung saan sasaklolohan ng Amerika ang Pilipinas.

Iginiit ng tatlong lider na dapat kilalanin ng China ang desisyon ng Arbitral Tribunal na nagsasabi na ang WPS ay Exclusive Economic Zone (EZZ) ng Pilipinas.

Ayon kay Romualdez, makakatulong din ang ­trilateral meeting upang mapabilis ang modernisasyon ng Armed Forces of the Philippines.

Napag-usapan din ang pagtulong ng Amerika at Japan sa Pilipinas upang lumakas ang microchip industry nito.

Sa ilalim ng inisyatiba, magpapadala ang Pilipinas ng mga estudyante para magkaroon ng world-class training sa mga pangunahing unibersidad sa Amerika at Japan.

Ayon kay Marcos, inaasahan na 128,000 semiconductor engineer at technician ang malilikha sa ilalim ng programa hanggang sa taong 2028.

Show comments