MANILA, Philippines — Ikatutuwa ng mga customer ng Manila Electric Co. (Meralco) ang inaasahang pagbaba sa kabuuang singil ng kuryente para sa buwan ng Abril.
Sinabi ni Meralco Corporate Communications head Joe Zaldarriaga, bagama’t wala pang pinal na halaga kung magkano, ang bawas singil ngayong Abril ay dahil sa mababang generation at transmission charges.
Noong Marso nang magtaas ng singil sa kuryente ang Meralco ng P0.0229 kada kilowatt-hour, na nagdala sa kabuuang rate sa P11.9397 kada kWh mula noong Pebrero na P11.9168 kada kWh.
Ang adjustment ay nagresulta sa bahagyang pagtaas sa kabuuang singil para sa mga residential na customer na kumokonsumo ng 200 kWh.
Ipinaliwanag ni Zaldarriaga na inaasahan nila ang pagbaba sa mga singil sa generation charges dahil sa pagbabawas sa mga gastos mula sa mga supplier ng natural gas, na naiimpluwensyahan ng mas mababang presyo ng liquified natural gas (LNG).
“Transmission charges, on the other hand, may have lower costs following the Energy Regulatory Commission’s order suspending the settlement in the reserve market that drove the significant increase in ancillary service charges in the March electricity rates,” aniya.