MANILA, Philippines — Ikinumpara ni Deputy Speaker at Quezon Province Rep. David “Jayjay” Suarez sa pagnanakaw sa mahihirap ang naging desisyon ni Sen. Imee Marcos na ilipat ang P13 bilyong pondo para sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) noong 2023.
Sa briefing ng House Committees on Public Accounts at Social Services kaugnay ng privilege speech ni 4Ps Partylist Rep. JC Abalos, kinumpirma ni Suarez kay DSWD Sec. Rex Gatchalian ang naging realignment ng pondo ng 4Ps noong 2023.
“Lumabas ‘yung House version natin, maintained intact ‘yung pera ng 4Ps. Now I don’t know what happened in the Senate, why all of a sudden P13 billion was slashed. At dahil sa P13 billion natanggal, mayroon 843,000 Filipino families, which is around 4 million poor Filipinos, ang hindi nakatanggap dahil sa budget cut,” ani Suarez.
Sinabi ni Gatchalian na ang 4Ps ay hindi lamang isang programa ng ahensya kundi nakabatay ito sa isang batas—ang 4Ps law.
Iginiit ni Suarez ang kahalagahan ng programa sa mga mahihirap na pamilya upang maiahon ang mga ito mula sa kahirapan.
“So, tingin ko po, kung hindi sana natapyasan ng walong bilyon ang budget ng taong ‘yun, ‘yung deficit ng DSWD, sana isang bilyon na lang. Ngayon, dahil natapyasan, umabot po ng P9 billion,” sabi ni Abalos.