MANILA, Philippines — Naghatid ng P300 milyong ayuda at serbisyong ang Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF) ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na ginanap sa Agusan del Norte noong Marso 22 at 23.
Dumating sa lugar ang 63 kongresista upang magpakita ng suporta sa programa. Dumalo rin sa pagtitipon si Sen. Ramon “Bong” Revilla.
Sinabi ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez na ito ang kauna-unahang Serbisyo caravan sa Caraga region at ika-14 na yugto ng BPSF mula ng simulan ito noong nakaraang taon.
“Gaya ng sinabi namin sa naunang bayan na binisita ng Serbisyo Fair, hindi hadlang ang distansya upang maabot ng pamahalaan ang mamamayang kanilang pinaglilingkuran, at ang lahat ay kasama sa pag-unlad ng ating bansa,” ani Romualdez na kumatawan kay Pangulong Marcos sa event.
May 53 tanggapan ng pamahalaan ang lumahok sa aktibidad, 293 ang serbisyong ibibigay sa may 80,000 benepisyaryo sa dalawang araw na event.
Umaabot naman sa 63 kinatawan ng mga distrito at partylist ang sumama kay Speaker Romualdez sa event na inorganisa ni Agusan del Norte Rep. Jose “Joboy” Aquino II.
Ayon kay Senior Deputy Speaker at Pampanga Rep. Aurelio Gonzales, ito ang pinakamaraming pagsasama-sama ng mga kongresista para sa paglulunsad ng BPSF ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.
Bukod sa BPSF, nabigyan din ang mga benepisyaryo ng P2,000 cash at P1,000 halaga ng bigas o 25 kilo, tig-P2,000 financial assistance at tig-5 kilong bigas sa 2,000 magsasaka at tig-P5,000 financial assistance sa 2,000 estudyante.
Layunin ng programa na tulungan ang mga maliliit na negosyante. Binigyan din ang mga ito ng tig-limang kilong bigas.