MANILA, Philippines — Ipinagkibit-balikat ng mga kinatawan ng Kamara ang patutsada ng ilan na wala umanong saysay ang Bagong Pilipinas campaign, isa sa mga pangunahing programa ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Ayon sa mga kongresista, ang dapat tanungin ng mga kritiko ay ang mga taong nakinabang sa bilyun-bilyong pisong halaga ng cash assistance at livelihood program na dala ng Bagong Pilipinas campaign.
Sa pulong balitaan sa Kamara noong Huwebes, ipinagtanggol nina Deputy Majority Leaders Erwin Tulfo at Janette Garin, kasama si Anakalusugan Partylist Rep. Ray Reyes ang programa ng Pangulo.
Ayon kay Tulfo, kinatawan ACT-CIS partylist, ang inilunsad ni Pangulong Marcos ang Bagong Pilipinas campaign, sa pakikipagtulungan kay Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, bilang pagtupad sa pangako nito na ilalapit sa mga Pilipino ang serbisyo ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno.
“Ang linggo-linggong pamimigay ng rice at cash assistance sa mga mahihirap sa iba’t-ibang lalawigan ay isa sa mga programa ng Bagong Pilipinas”, ani Cong. Tulfo.
Sinang-ayunan nanan ni Rep. Garin si Tulfo kasabay ang sabi, “personal kong nasaksikan kung paano ang mga tao, kasama ang aking mga kadistrito sa Iloilo ay natuwa sa natanggap na benepisyo ng pumunta roon ang Bagong Pilipinas Serbisyo Fair na pinangunahan ni Speaker Romualdez”.
Kasama rin daw sa Bagong Pilipinas program ang mga dagdag benepisyo sa PhilHealth members tulad ng libreng mammogram at breast ultra sound sa mga kababaihan at iba pang libreng diagnostics exam simula ngayong Abril.
Ang pagtataas ngayong katapusan Marso ng diskwento ng mga senior citizen at PWD sa grocery items ng P125 kada linggo mula sa P65 ay bahagi rin ng Bagong Pilipinas.
Idagdag pa ang paglalagda ng batas ni PBBM kamakailan na nagbabawal na sa mga eskwelahan na ipatupad ang “no permit, no exam policy”.
Sinabi naman ni Cong. Reyes, na masyado pang maaga para husgahan kung tagumpay o hindi ang Bagong Pilipinas campaign.