MANILA, Philippines — Nakatanggap ng 541.66 milyong Distributed Denial-of-Service o DDoS ang website ng Kamara noong Miyerkules.
Sinabi ni House Secretary General Reginald Velasco na mula alas-8 ng umaga hanggang alas-9 ng umaga ay nakapagtala ng 53.72 million attacks ang website na galing umano sa Indonesia, US, Columbia, India, at Russian Federation, na maaari rin naman umanong hindi totoo kung gumagamit ng virtual private network o VPN ang mga hacker.
Dakong alas-2:52 naman ng hapon, 487.93 milyong mga pag-atake ang naitala mula sa mga sources sa Tunisia, Thailand, Greece na hindi rin accurate.
Sinabi ni Velasco na kasalukuyan pang nagsasagawa ng imbestigasyon kung ang motibo ng website attack ay pera para sa pamumulitika na posibleng kagagawan ng mga kinontratang hackers para magsagawa ng destabilisasyon laban sa pamahalaan.
Pinapurihan naman ng opisyal ang ICTS team ng Kamara sa mabilis na paghawak sa DDoS attacks at nagawang mapigilan ang nasabing hacking.
Nanawagan naman si Velasco sa DICT na imbestigahan ang insidente at alamin ang tunay na pinanggalingan ng pag-atake.