Facebook page ng PCG, nabawi na; 3 hackers, natukoy

MANILA, Philippines — Kinumpirma kahapon ng Philippine Coast Guard (PCG) na narekober na nila ang kanilang Facebook page na unang na-hacked noong Lunes.

Ayon sa PCG, dakong alas-5:45 ng madaling araw nang magkaroon ng full access ang kanilang Coast Guard Public Affairs Service (CGPAS) sa kanilang FB page.

Sa isinagawang backend operations, sa tulong ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC), may natukoy rin umanong tatlong hackers ang PCG na gumagamit ng Facebook names na Fatima Hasan, Murat Kansu, at Vicky Bates.

Ayon sa CICC, guma­mit ang mga hackers ng malware upang makalusot sa security ng FB page ng PCG.

Nakatakda na rin umano silang magsagawa ng kumprehensibong hardware check sa lahat ng mga office laptops at computers na ginagamit ng CGPAS personnel upang i-access ang kanilang official social media platforms.

Anang PCG, layunin nitong tuluyan nang alisin ang natitira pang trace ng malware at palakasin ang pangkalahatang cybersecurity laban sa mga potensiyal pang breaches.

Una nang sinabi ng PCG na walang malakas na ebidensiya na nagpapakita na ang hacking ay posibleng may kinalaman sa isyu sa West Philippines Sea.

Show comments