Romualdez: Monthly grocery discount sa seniors, PWD tataas sa P500 ngayong Marso

Composite photo of Senior Citizen and PWD.
Pixabay

MANILA, Philippines — Simula ngayong Marso ay tataas na sa P500 ang buwanang limit sa diskwento na nakukuha ng senior citizens at persons with disabilities (PWD) sa pagbili ng grocery at iba pang prime commodities katulad ng bigas, itlog, tinapay, at iba pa, ayon kay Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez.

Nakipagpulong Martes ng gabi ang mga opisyal ng Department of Trade and Industry (DTI) sa pamumuno ni Usec. Carolina Sanchez kay Speaker Romualdez upang ipaalam na sumusuporta sila sa suhestiyon ng lider ng Kongreso na itaas ang limit sa diskuwento ng seniors at PWDs.

“I am delighted to welcome the imminent implementation of increased discounts for our senior citizens and PWDs,” ani Romualdez.

Nauna rito, hiniling ng Speaker ang pagtataas sa 5 porsyentong diskwento na nakukuha ng mga seniors at PWDs na limitado lamang sa P65 kada linggo.

Sinabi ni Romualdez na ang anunsyo kaugnay ng pagtataas ng discount limit sa P125 kada linggo o P500 kada buwan ay sumunod sa ginawang paglagda ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa bagong batas kung saan ang mga Pilipino na magdiriwang ng kanilang ika-80, 85, 90, at 95 kaarawan ay makatatanggap ng tig-P10,000.

“Patunay po ito na ang administrasyon PBBM ay patuloy na naghahanap ng mga paraan para mapagaan ang pasanin sa buhay ng bawat Pilipino”, sabi pa niya.

Bagamat nasa proseso pa ng konsultasyon, sinabi ni Sanchez na inaasahan na maipatutupad ang pagtataas sa buwanang discount limit sa Marso.

Nilinaw naman ni Sanchez na ang kasama lamang sa binibigyan ng ­diskwento ay ang mga pangunahing bilihin at prime commodities gaya ng bigas, mais, tinapay, karne, isda, manok, itlog, mantika, asukal, gulay, prutas, sibuyas, bawang, at fresh o processed milk, maliban sa mga medical grade milk.

Kasali rin ang mga manufactured goods gaya ng processed meat, sardinas, at corned beef pero hindi kasali ang mga premium brands.

Show comments