Konstitusyon ’di kailangang baguhin - Rep. Bordado

Camarines Sur Rep. Gabriel Bordado Jr.
STAR/File

MANILA, Philippines — Kumbinsido si Assistant Minority Leader at Camarines Sur Rep. Gabriel Bordado Jr. na hindi kailangang amyendahan ang Saligang Batas para lamang palitan ang ilang economic provision dito.

Sa kanyang manifestation sa House Committee of the Whole nitong Martes, naniniwala si Rep. Bordado Jr. sa pahayag ng mga eksperto partikular sa sinabi ni dating Chief Justice Reynato Puno ukol sa pag-amyenda sa Konstitusyon.

Pinaalalahanan ni Puno ang Mababang Kapulungan na ang pag-amyenda sa Konstitusyon sa pamamagitan ng pagtrato sa mga panukala bilang regular bills ay maa­ring magdulot ng mga hamon dahil hindi ito isang opisyal na paraan para sa pagbabago ng Saligang Batas.

Katwiran pa ni Rep. Bordado Jr. ang pag-amyenda para sa liberalisasyon ng mga industriya, pagpapahusay ng mga pamanta­yang pang-edukasyon at paghikayat ng dayuhang mamumuhunan ay maaring makamit sa ilalim ng kasalukuyang mga economic provision ng batas.

May umiiral aniyang mekanismo tulad na lamang ng kasalukuyang Public Service Act o Republic Act 11659 bilang halimbawa. Ang legislative milestone na ito, ayon kay Rep. Bordado, ay epektibong nagpapalakas ng dayuhang pamumuhunan at nagtataguyod ng kompetisyon nang hindi nanga­ngailangan ng mga pagbabago sa konstitusyon.

Higit pa rito, binigyang-diin ni Rep. Bordado na ang pagtiyak ng access sa de-kalidad na edukasyon para sa mga batang Pilipino at pagpapalakas ng pandaigdigang kompetisyon ay hindi nakasalalay sa dayuhang pagmamay-ari ng mga institusyong pang-edukasyon.

Iminungkahi niya ang paggamit ng mga kasalukuyang mapagkukunan at mekanismo upang bigyang kapangyarihan ang mga lokal na paaralan at mga mag-aaral, sa gayon ay iniiwasan ang pangangailangan para sa mga pagbabago sa Konstitusyon.

Ipinaliwanag pa ni Rep. Bordado ang mabisang kasalukuyang mga probisyon sa ekonomiya, mahalaga lamang aniya ang maayos na pagpapatupad, pagpapalakas, at pag-mainstream ng mga umiiral na mekanismo.

Show comments