MANILA, Philippines — Hinihimok ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang wanted religious leader na si Apollo Quiboloy na humarap sa pagdinig ng Kongreso, ito habang tinawanan ng presidente ang diumano'y assassination plot mula sa Malacañang.
Ika-21 ng ng Pebrero nang humarap sa YouTube ang nagtatagong lider ng Kingdom of Jesus Christ para isiwalat ang "sabwatan" umano ni Marcos sa ilang ahensya ng gobyerno ng Estados Unidos para siya'y ipapatay.
Related Stories
Kasalukuyang wanted sa US Federal Bureau of Investigation (FBI) si Quiboloy kaugnay ng reklamong child sex trafficking atbp.
"If he has an opportunity in the hearings in both the House and the Senate to say his side of the story, [he should do it]," wika ni Marcos sa isang interbyu sa media ngayong Miyerkules.
"Ngayon kung sinasabi niyang hindi totoo lahat 'yan, hindi totoo, walang nangyaring ganyan, eh 'di sabihin niya. Eh pagka ganito, anong mangyayari riyan? Hindi siya sisipot. 'Pag hindi siya sumipot, baka ma-contempt siya."
JUST IN: President Marcos tells religious leader Pastor Apollo Quiboloy to attend congressional hearings to explain his side on the allegations against him, laughs off claim that he is conniving with the US to assassinate him @PhilippineStar @PhilstarNews
— Alexis B. Romero (@alexisbromero) February 28, 2024
Inoobliga sa ngayon ng Senado si Quiboloy humarap sa Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality para sagutin ang mga alegasyon katulad ng human-trafficking, sexual exploitation atbp.
Pinadadalo rin siya ng Kamara sa isang pagdinig kaugnay naman ng diumano'y pang-aabuso at violations ng Sonshine Media Network International (SMNI), bagay na kanyang pinagmamay-arian.
Una nang inihanda ang detention facility ni Quiboloy sa Kamara kung sakaling patuloy na hindi sumiport sa pagdinig ng komite sa aniya'y paglabag ng SMNI sa prangkisa nito.
"That's why my advise for him is just face the questioning in the House and in the Senate, marinig natin ang kanyang side, para malaman natin kung ano talagang nangyayari rito," dagdag pa ng presidente.
"We're trying to be fair here in allowing him an oppurtunity and [give him a] fora to make his case. I think he should take advantage of this."
'Walang planong ipapatay ka, okey?'
Tinawanan lang din ni Marcos Jr. ang mga inilutang na kwento ni Quiboloy tungkol sa planong pagpapa-kidnap at pagpapapatay sa kanya ng presidente.
Una nang sinabi ng kontrobersyal na religious leader na minamanmanan siya ng US Central Intelligence Agency at FBI gamit ang mga drone sa kanilang mga compound, dahilan para matakot ang "Appointed Son of God" para sa kanyang kaligtasan.
"Hahahaha! Walang merong gustong mag-assassinate sa kanya! Bakit siya ia-assassinate? Why would anyone... maybe he's just very, very... Wala na. Hindi ko maintindihan 'yung sinasabi niya bakit siya ia-assassinate," wika pa ni Marcos.
"Hindi naman siguro [siya naka-fentanyl]. Hindi ko alam. Siguro natatakot siya sa mga pangayayari. But again, the best way to diffuse the situation for him is to testify before the committees in the House and the Senate."
Ang pag-reference ni Marcos sa drogang fentanyl ay kaugnay ng ginagamit ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, na siyang nakasagutan ng pangulo tungkol sa narcotic abuse. Kaibigan at spiritual leader ni Duterte si Quiboloy.
Pinaparatangan ni Duterte na "bangag" at illegal drug user si Marcos Jr. kahit kaalyado ng pangulo si Bise Presidente Sara Duterte-Carpio, na siyang anak ni Digong. — may mga ulat mula kay The STAR/Alexis Romero